ni Christian Jay S. de la Cruz
FRANCISCO:
Nais kong maging pintor; isang sikat na pintor. Iba kasi talaga ang galak na naibibigay ng bawat haplos ng aking brush sa blankong canvas. Sa pagpipinta, naipapahayag ko ang aking tunay na nararamdaman: saya, lungkot, pagmamahal. Ngunit hindi payag ang Papa. “Makakain ko ba yang mga obra maestrang pinagmamalaki mo?” katwiran niya tuwing pinipilit kong mag-aral ako ng fine arts sa Unibersidad ng Pilipinas. Wala naman akong magawa. Siya ang nagpapakain sa akin. Siya ang padre de pamilya. Siya ang aking ama, itay, papang. Siya ang nasusunod.
Ako si Francisco. Isa akong nurse. Isa akong OFW na napadpad sa siyudad na walang tulugan: New York City. Isa ako sa libu-libong Pilipinong iniwan ang sariling bayan upang sumuweldo ng masmalaki. Greener pasture ika nga ng karamihan. Kung sabagay, ginusto kong maging isang nurse upang makapag-abroad; upang kumita ng malaki; upang matulungan ang aking pamilyang iniwan.
AMELIA:
Tatlong taon na noong huli kong makita ng personal ang aking anak. Ako si Amelia. Ako ang ina ni Francisco.
Tandang-tanda ko pa noong bata pa siya. Katulad ng karamihan, mahilig siyang maglaro, mahilig siyang magbiro, at higit sa lahat mahilig siyang takasan ang siesta tuwing tanghali. Yun ang dati kong Francisco, isang batang musmos na ang tanging nalalaman ay ang mundo’y napakasaya tuwing naglalaro siya.
Bilang isang butihing ina, gumagawa tayo ng mga paraan upang mapasaya ang ating mga anak. Binibilhan natin sila ng kanilang gusto; pinupuri tuwing nakagawa ng mabuti; at pinaparusahan tuwing nakagawa ng mali. Ganyan ang turo ng ating mga ninuno. Kailangan nating gawin, bilang mga magulang, ang lahat upang sila’y ating mapasaya. Oo nga’t musmos pa lamang sila ngunit kailangan na silang turuan ng maaga upang lumaki silang mabubuting mamamayan.
NESTOR:
Nakakapagod ang magtrabaho ng overtime. Tambak ang mga kailangang i-review at pirmahan. Haaay. Ako si Nestor. Ako’y isang negosyante. Ako ang may-ari ng pinakamalaking plantasyon ng pinya sa buong bansa. Ako ang ama ni Francisco.
Ngunit kahit gaano ako kayaman ngayon, hindi ko pa rin makakalimutan ang aking mga pinagdaanan. Mahirap ang kinagisnan kong pamilya. Ngunit pinilit kong pag-aralin ang aking sarili sapagkat naniniwala akong ang edukasyon ang susi sa isang pamumuhay na puno ng oportunidad upang umahon sa kahirapan. naging working student ako noong ako’y tumungtong sa kolehiyo: estudyante sa umaga, crew ng isang sikat na fastfood chain sa gabi. Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtratrabaho ngunit ito’y aking tiniis hanggang ako’y nakapagtapos. Ngayon, ako lang naman ang Presidente’t CEO ng sarili kong kumpanya. Ang tamis ng tagumpay na dinaranas ko ngayo’y dahil sa edukasyong aking pinilit na makamtan.
JUN:
Ako’y kanina pang nagmamasid dito sa dilim. Ako’y naghihintay ng tamang oras upang sumugod sa kanilang bahay. Ako si Jun. Ako’y walang kinalaman sa buhay ni Francisco. Ako’y isang magnanakaw.
Hindi ako nakapag-kolehiyo. Hindi ko sineryoso ang aking pag-aaral. Mas inuuna ko kasi ang pakikipaglakwatsa kasama ng aking barkada kung kaya’t eto ako: walang trabaho, gumagawa ng masama upang malagyan laman ang aking tiyan.
Hayun na. Lumabas na ang pamilya Ayala kasama pa ang kanilang yaya. Mukhang sinuswerte ako ngayon! Hinintay kong makalayo ang kanilang kotse tapos inakyat ko ang kanilang gate. Wala man lang guwardiya o aso! Tumungo ako sa loob. Nakabukas ang pinto! Mukhang nakalimutang i-lock ng pamilya. Pero ayos lang, masmapapadali trabaho ko neto. Tapos hinarap ko yung isang painting na may pirma ng anak nila. Dahan-dahan ko itong inalis sa kinalalagyan niya at bumungad sa akin ang isang vault. Ikot ng konti sa kaliwa, tapos konting ikot pa sa kanan, at click! nang biglang tumunog ang alarm! Samahan mo pa ng mga asong tumatahol! Lagot na! Kailangan ko nang makalabas bago pa ko abutan ng mga pulis o kung sino man! Tumakbo ako patungo sa kanilang gate. Nang paakyat na ako sinunggaban ng isang aso ang aking binti. Aaahhh!!!
LINDA:
Napakasaya ng party na dinaluhan namin kagabi! Haaay. Hindi ko nga alam kung bakit kailangan pa akong isama ng aking mga amo. Ako ay isa lamang kasambahay. Ako si Linda.
Nag-iisang yaya ako ng pamilya Ayala. Ako ang tagalinis, tagalaba, tagaluto, tagalahat! Nakakapagod nga eh! Pero oks lang. Katapat ko kasi ng suweldo yung mga instructor sa state university dito sa amin. Ang saya nga’t nakaka-ipon ako ng malaki-laki. Nakapag-pondo na nga ako ng isang negosyo para sa pamilya ko sa probinsya. Nabilhan ko na din ng MacBook Air yung mga anak ko! Ang saya di ba?!
Pero malungkot dito sa bahay nila Sir Nestor at Ma’am Amelia. Siyempre, nagtratrabaho din sila kaya ako lang ang naiiwan. Tuwing may bisita sila, ako ang nag-aasikaso sa kanila. Tapos isang araw, dumating si Sir Francisco! Siyempre pinapasok ko siya. Pinaupo. Tapos sabi ko, “Would you like to have juice, sir?” Siyempre dapat English! Sumagot siya, “Yes please. And a sandwich too.” Dali-dali naman akong pumunta sa kusina.
Ganyan tayong mga Pinoy hindi ba? Tuwing may bisita, ginagawa natin ang lahat upang maging feel-at-home sila. Nagpapameryenda tayo kahit walang masyadong pera; pinapakita yung mga nakakahiyang baby pictures ng mga anak natin, at binubuksan ang TV kahit nagtitipid ng kuryente. Sadyang ang hospitable natin mga Pinoy di ba?
NESTOR: O anak! Kelan ka dumating Francisco?! (Sabay yakap sa anak)
FRANCISCO: Kani-kanina lang Dad.
AMELIA: I’ve missed you so much Francisco! (Sabay yakap) Linda maghanda ka ng meryenda para kay Francisco!
LINDA: (Mula sa kusina) Naghahanda na po ma’am!
NESTOR: Anong napunta sa kukote mo’t binalak mong umuwi ngayon lang?
FRANCISCO: Eh ngayon lang po ako naka-ipon Dad.
AMELIA: Nag-iipon ka para saan?
FRANCISCO: Eh balak ko po kasing magpatayo ng isang clinic para sa ating barangay. Pagtanaw ba ng utang na loob sa pinanggalingan.
LINDA: (Pumasok sa sala at hinanda ang pagkain) Mabuti po iyan sir! At masmabuti kung kakainin niyo po itong handa ko.
FRANCISCO: Salamat Aling Linda.
JUN: (Gumagapang) Tulong! Tulong! Gamutin niyo ako! Kinagat ako ng walang hiyang mga aso niyo! Tulong!
-END-
No comments:
Post a Comment